Add parallel Print Page Options

Lilipulin ng Diyos ang Mga Huwad na Tagapagturo

Ngunit nagkaroon ng mga bulaang propeta sa gitna ng mga tao. Gayundin naman may lilitaw ring mga bulaang guro sa inyo. Lihim nilang ipapasok ang mga nakakasirang maling katuruan. Ikakaila rin nila ang naghaharing Panginoon na bumili sa kanila. Inilalagay nila ang kanilang sarili sa biglang kapahamakan.

Marami ang susunod sa kanilang mga gawang nakakawasak. Dahil sa kanila, pagsasalitaan ng masama ang daan ng katotohanan. Sa kanilang kasakiman ay makiki­nabang sila dahil sa inyong mga salapi sa pamamagitan ng gawa-gawang salita. Ang hatol sa kanila mula pa noon ay hindi na magtatagal at ang kanilang pagkalipol ay hindi natutulog.

Ito ay sapagkat hindi pinaligtas ng Diyos ang mga anghel na nagkasala subalit sila ay ibinulid sa kailaliman at tinani­kalaan ng kadiliman upang ilaan para sa paghuhukom. Gayundin naman hindi rin pinaligtas ng Diyos ang sanlibutan noong unang panahon kundi ginunaw niya ito dahil sa hindi pagkilala sa Diyos. Ngunit iningatan niya si Noe na taga­pangaral ng katuwiran na kasama ng pitong iba pa. Nang ang mga lungsod ng Sodoma at Gomora ay natupok ng apoy, hinatulan sila ng matinding pagkalipol upang maging halim­bawa sa mga mamumuhay nang masama. Ngunit iniligtasng Diyos ang matuwid na si Lot na lubhang nahahapis sa mahahalay na pamumuhay ng masama. Ito ay sapagkat naghihirap ang kaluluwa ng matuwid na tao sa kanilangmga gawa na hindi ayon sa kautusan. Ito ay kaniyang nakikita at naririnig sa araw-araw niyang pakikipamuhay sa kanila. Alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga sumasamba sa Diyos. Alam din niya kung paanong ilaan ang mga hindi matuwid para sa araw ng paghuhukom upang sila ay parusahan. 10 Inilaan niya sa kaparusahan lalo na ang mga lumalakad ayon sa laman sa pagnanasa ng karumihan at lumalait sa mga may kapangyarihan.

Sila ay mapangahas, ginagawa ang sariling kagustuhan at hindi natatakot lumait sa mga maluwalhatiang nilalang.

11 Ang mga anghel na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi humahatol na may panlalait laban sa kanila sa harapan ng Panginoon. 12 Ang mga taong ito ay parang maiilap na hayop na hindi makapangatuwiran, na ipinanganak upang hulihin at patayin. Nilalait nila maging ang mga bagay na hindi nila nalalaman. Sila ay lubusang mapapahamak sa kanilang kabulukan.

13 Tatanggapin nila ang kabayaran sa ginagawa nilang kali­kuan. Inaari nilang kaligayahan ang labis na pagpapa­kalayaw kahit na araw. Sila ay tulad ng mga dungis at batik kapag sila ay nakikisalo sa inyo samantalang sila ay labis na nagpapa­kalayaw sa kanilang pandaraya. 14 Ang mata nila ay puspos ng pangangalunya. Wala silang tigil sa paggawa ng kasalanan. Inaakit nila ang hindi matatag ang pag-iisip. Nasanay ang kanilang puso sa kasakiman. Sila ay mga taong isinumpa. 15 Iniwan nila ang tamang daan at sila ay naligaw nang sundan nila ang daan ni Balaam na anak ni Besor. Inibig ni Balaam ang kabayaran sa paggawa ng kalikuan. 16 Kayat siya ay sinaway sa kaniyang pagsalangsang at isang asnong pipi, na nagsalita ng tinig ng tao, ang siyang nagbawal sa kahangalan ng propeta.

17 Ang mga bulaang gurong ito ay tulad ng bukal na walang tubig at mga ulap na itinataboy ng unos. Inilaan na sa kanila ang pusikit na kadiliman magpakailanman. 18 Ito ay sapagkat ang mapagmalaki nilang pananalita ay walang kabuluhan dahil inaakit nila sa pamamagitan ng masamang pagnanasa ng kahalayan sa laman yaong mga tunay na nakaligtas na mula sa mga taong may lihis na pamumuhay. 19 Pinapangakuan nila ng kalayaan ang mga naaakit nila gayong sila ay alipin ng kabulukan sapagkat ang tao ay alipin ng anumang nakakadaig sa kaniya. 20 Ito ay sapagkat nakawala na sa kabulukan ng sanlibutan ang mga taong kumikilala sa Panginoon at Tagapag­ligtas na si Jesucristo. Subalit kung muli silang masangkot at madaig, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa kaysa sa dati. 21 Ito ay sapagkat mabuti pang hindi na nila nalaman ang daan ng katuwiran kaysa tumalikod pagkatapos na malaman ang banal na utos na ibinigay sa kanila. 22 Kung magkagayon, nangyari sa kanila ang kawikaang totoo: Bumabalik ang aso sa sarili niyang suka at sa paglulublob sa pusali ang baboy na nahugasan na.

Mga Huwad na Propeta

Ngunit noo'y may lumitaw ring mga huwad na propeta sa gitna ng sambayanan, kung paanong sa gitna ninyo'y lilitaw din ang mga bulaang guro. Palihim silang magpapasok ng mga maling aral na makapipinsala sa inyong pananampalataya. Itatakwil nila pati na ang Panginoong tumubos sa kanila, kaya't ito ang magdadala sa kanila ng mabilis na pagkapuksa. At marami ang susunod sa kanilang mga gawang mahahalay, at dahil sa mga ito ay hahamakin ang daan ng katotohanan. Sa kanilang kasakiman, pagsasamantalahan nila kayo sa pamamagitan ng mga pakunwaring salita. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at hindi natutulog ang kapahamakang darating sa kanila.

Maging ang mga anghel na nagkasala ay hindi pinaligtas ng Diyos; itinapon niya sila sa impiyerno,[a] kung saan sila'y iginapos sa kadiliman at doon paghihintayin hanggang paghuhukom. Maging (A) ang masasamang tao noong unang panahon ay hindi niya pinaligtas. Ginunaw niya ang unang daigdig sa pamamagitan ng baha at wala siyang iniligtas maliban kay Noe na tagapangaral ng katuwiran, at ang pito niyang kasama. Pinarusahan (B) din ng Diyos at tinupok ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra at ginawang halimbawa ng kasasapitan ng mga masama. Ngunit (C) iniligtas ng Diyos ang matuwid na si Lot, isang taong lubhang nabagabag dahil sa mahahalay na pamumuhay ng masasama noon. Naghirap ang kalooban ng taong ito dahil sa kasamaang araw-araw niyang nasaksihan at napakinggan habang siya'y nakatira doon. Halimbawa ang mga ito na alam ng Panginoon kung paano niya ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paano ilalaan ang masasama sa parusa hanggang araw ng paghuhukom, 10 lalung-lalo na ang mga sumusunod sa masasamang pagnanasa ng likas na pagkatao at humahamak sa maykapangyarihan.

Sila'y pangahas, matitigas ang ulo, at hindi natatakot na lapastanganin ang mga maluwalhating nilalang sa kalangitan. 11 Samantalang ang mga anghel na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi nanlait sa kanilang paghaharap sa Panginoon ng sakdal laban sa kanila. 12 Subalit ang mga taong ito'y lumalait sa mga bagay na hindi naman nila nauunawaan. Para silang mga hayop na walang bait at nagpapadala lamang sa kanilang mabangis na simbuyo. Kaya kung paanong isinilang upang hulihin at patayin ang mga ganitong hayop, ang mga taong ito'y papatayin din. 13 Pagbabayaran nila ang ginawa nilang kasamaan sa iba. Hindi na sila nahihiyang magpakasawa sa kamunduhan araw-araw. Nakikisalo sila sa inyong mga handaan, ngunit puro kasiraan at kahihiyan ang kanilang ginagawa. Ikinatutuwa pa nila ang kanilang panlilinlang. 14 Ang mga mata nila'y punung-puno ng pangangalunya at walang kabusugan sa pagkakasala. Inaakit pa nila na magkasala ang mga mahihina. Sanay na sanay ang kanilang puso sa kasakiman. Mga anak na isinumpa! 15 Iniwan (D) nila ang daang matuwid at sila'y naligaw. Sinundan nila ang daan ng anak ni Beor[b] na si Balaam na umibig sa bayad ng masama. 16 Ngunit siya'y sinaway ng isang asno sa kanyang kamalian, isang hayop na hindi makapagsalita, ngunit nagsalita na parang tao upang siya'y pigilan sa kanyang kahibangan.

17 Ang katulad ng mga taong ito'y mga bukal na walang tubig at mga ulap na itinataboy ng malalakas na hangin. Matinding kadiliman ang naghihintay sa kanila. 18 Mga kayabangang walang kabuluhan ang lumalabas sa kanilang bibig, at pinupukaw nila ang masasamang pagnanasa upang akitin pabalik sa kahalayan ang mga taong bahagya pa lang lumalayo sa mga taong namumuhay sa pandaraya. 19 Nangangako sila ng kalayaan sa mga hinihikayat nila gayong sila mismo'y mga alipin ng kabulukan, sapagkat alipin ang sinuman ng anumang nananaig sa kanya. 20 Kung ang mga nakatakas na sa karumihan ng sanlibutan dahil sa kanilang pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo ay muling maakit at nagpadaig sa kasamaan, mas masahol pa sa dati ang magiging kalagayan nila. 21 Mas mabuti pang hindi nila nalaman ang daan ng katuwiran, kaysa matapos nila itong makilala ay talikdan nila ang banal na utos na ibinigay sa kanila. 22 Angkop (E) na angkop sa kanila ang kawikaang, “Bumabalik ang aso sa kanyang sariling suka,” at, “Mas nais ng baboy ang maglublob sa putik kahit nahugasan na.”

Footnotes

  1. 2 Pedro 2:4 Sa Griyego, Tartaro.
  2. 2 Pedro 2:15 Sa Griyego, Buzor.