Add parallel Print Page Options

Tinanggap ng mga Apostol si Pablo

Makalipas ang labing-apat na taon, umahon akong muli sa Jerusalem kasama si Bernabe. Isinama ko rin si Tito.

Umahon ako ayon sa inihayag ng Diyos sa akin at ipinaliwanag ko sa kanila ang ebanghelyo na aking ipinangaral sa mga Gentil. Ngunit sa mga ipinapalagay na nasa matataas na katungkulan ay ipinaliwanag ko nang sarilinan ang ebanghelyo, baka ako ay tumatakbo o tumakbo ng walang katuturan. Bagaman si Tito na kasama ko ay isangGriyego, hindi nila siya napilit na magpatuli. Ito ay kagagawan ng ilang hindi tunay na mga kapatid na pumasok ng palihim upang matyagan ang kalayaang tinaglay namin kay Cristo Jesus nang sa gayon gawin nila kaming mga alipin. Hindi kami nagpailalim sa kanila kahit sandaling panahon lamang upang ang katotohanan ng ebanghelyo ay manatili sa inyo.

Ngunit ang mga lalaking ipinapalagay na mga may katung­kulan sa akin, walang anuman sa akin kung sino sila. Hindi tinatanggap ng Diyos ang tao batay sa kaniyang panlabas na kaanyuan sapagkat iyon na wari ay kinikilalang mga may matataas na katungkulan ay walang ano mang naidagdag sa aking itinuro. Sa halip, nakita nila na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos ang ebanghelyo para sa mga hindi nasa pagtutuli. Ito ay gaya rin naman ng pagkakatiwala niya ng ebanghelyo kay Pedro para sa mga nasa pagtutuli. Ito ay sapagkat ang Diyos na gumawa kay Pedro upang maging apostol sa mga tuli ay siya ring Diyos na gumawa sa akin para sa mga Gentil. Si Santiago, Cefas at Juan ang mga kinilalang mga haligi. Nang maunawaan nila ang biyayang ibinigay ng Diyos sa akin, iniabot nila ang kanilang kanang kamay ng pakikisama kay Bernabe at sa akin. Ibinigay nila ito upang kami ay pumaroon sa mga Gentil at sila naman ay sa mga Judio na mga tuli. 10 Ang kahilingan lamang nila ay huwag naming kalilimutan ang mga dukha na siya ko rin namang pinagsisikapang gawin.

Sinalungat ni Pablo si Pedro

11 Nang si Pedro ay dumating sa Antioquia, tinutulan ko siya nang harapan dahil siya ay mali.

12 Ito ay sapagkat nang hindi pa dumarating ang ilang lalaking galing kay Santiago, siya ay kumakaing kasalo ng mga Gentil. Ngunit nang sila ay dumating, lumayo siya at humiwalay dahil sa takot siya sa mga nasa pagtutuli. 13 At ang ibang Judio ay sumama na rin sa kaniyang pagkukunwari, kaya maging si Bernabe ay nahikayat na rin ng kanilang pagkukunwari.

14 Subalit nakita kong hindi sila lumalakad ng matuwid ayon sa katotohanan ng ebanghelyo. Dahil dito, sinabi ko kay Pedro sa harap ng lahat: Ikaw na isang Judio ay namumuhay nang tulad ng mga Gentil at hindi tulad ng mga Judio, bakit mo pinipilit ang mga Gentil na mamuhay tulad ng mga Judio?

15 Kami ay likas na mga Judio, at hindi kami mga makasalanang Gentil. 16 Alam natin na ang isang tao ay hindi pinapaging-matuwid sa pamamagitan ng gawa ng kautusan kundi sapamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Tayo rin ay sumampalataya kay Cristo Jesus upang tayo ay mapaging-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo at hindi sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kautusan. Kaya nga, walang sinumang mapapaging-matuwid sa pamama­gitan ng pagsasagawa ng kautusan.

17 Kung habang nagsisikap tayong mapaging-matuwid sa pamamagitan ni Cristo, ay nasumpungan pa tayo sa ating mga sarili na mga makasalanan, si Cristo ba, kung gayon, ay tagapaglingkod ng kasalanan? Huwag nawang mangyari. 18 Ito ay sapagkat kung itatayo kong muli ang mga bagay na winasak ko na, pinatutunayan ko lamang na ako ay isang manlalabag ng kautusan. 19 Ito ay sapagkat ako, sa pamama­gitan ng kautusan ay namatay sa kautusan, upang ako ay mabuhay sa Diyos. 20 Napako ako sa krus na kasama ni Cristo, gayunman ako ay nabubuhay. Ngunit hindi na ako ang nabubuhay kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. Ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya ng Anak ng Diyos na siyang umibig sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin. 21 Hindi ko winalang-kabuluhan ang biyaya ng Diyos sapagkat kung ang pagiging-matuwid ay sa pamamagitan ng kautusan, si Cristo ay namatay ng walang-kabuluhan.

Tinanggap si Pablo ng mga Apostol

Pagkalipas (A) ng labing-apat na taon, muli akong nagtungo sa Jerusalem kasama sina Tito at Bernabe. Ang pagtungo ko roon ay dahil sa pahayag ng Diyos na dapat akong pumunta doon. Palihim akong nakipagpulong sa mga kinikilalang pinuno ng iglesya, at inilahad ko sa kanila ang ebanghelyong aking ipinangaral sa mga Hentil. Ginawa ko ito sapagkat ayokong mawalan ng kabuluhan ang lahat ng aking ginawa at ginagawa. Subalit maging ang kasama kong si Tito, kahit na siya'y isang Griyego, ay hindi pinilit na magpatuli, bagama't pinagtangkaan ng ilan na gawin iyon. Nagkunwari silang mga kapatid at nakihalubilo sa amin upang manmanan ang kalayaang taglay namin kay Cristo-Jesus. Ginawa nila ito upang kami'y muling maging alipin. Subalit hindi kami sumuko sa kanila kahit isang saglit, sapagkat layunin naming maingatan ang katotohanan ng ebanghelyo para sa inyo. Tungkol sa mga kinikilalang pinuno—(B) ang totoo ay walang anuman sa akin sino man sila sapagkat walang kinikilingan ang Diyos—wala naman silang pinuna tungkol sa aking ipinapangaral. Sa halip, kinilala nilang sa akin ipinagkatiwala ng Diyos ang pangangaral ng ebanghelyo sa mga hindi tuli, kung paanong kay Pedro niya ipinagkatiwala ang pangangaral ng ebanghelyo sa mga tuli. Sapagkat ang Diyos na nagbigay kay Pedro ng tungkuling maging apostol sa mga Judio ang siya ring nagbigay sa akin ng tungkuling maging apostol sa mga Hentil. Nang makita ng mga kinikilalang haligi ng iglesya na sina Santiago, Pedro, at Juan, na ibinigay sa akin ng Diyos ang tanging kaloob na ito, tinanggap nila kami ni Bernabe bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan naming kami ni Bernabe ay mangangaral sa mga Hentil, at sila nama'y sa mga Judio. 10 Ang hiniling lamang nila ay ang patuloy naming pagmamalasakit sa mga dukha, na siya namang gusto kong gawin.

Sinaway ni Pablo si Pedro sa Antioquia

11 Nang dumating si Pedro sa Antioquia ay pinagsabihan ko siya nang harapan dahil sa kanyang maling ginagawa. 12 Dati kasi siyang kumakaing kasalo ng mga Hentil bago dumating ang mga isinugo ni Santiago. Ngunit nang dumating ang mga iyon ay umiwas na siya at humiwalay na sa mga Hentil dahil sa takot sa mga Judio. 13 Maging ang ibang mga kapatid na Judio ay naduwag din at gumaya sa kanya sa ganitong pagkukunwari, at natangay pa maging si Bernabe! 14 Kaya't nang makita kong ang ikinikilos nila ay lihis sa katotohanan ng ebanghelyo, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na Judio ay namumuhay na parang Hentil at hindi bilang Judio, paano mo pipilitin ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?”

Naliligtas ang mga Judio at Hentil sa Pamamagitan ng Pananampalataya

15 Tayo mismo ay ipinanganak na mga Judio at hindi mga “makasalanang Hentil.” 16 Nalalaman (C) natin na walang sinumang itinuturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. Kaya't tayo'y sumasampalataya kay Cristo Jesus upang ituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sapagkat walang sinumang itinuturing na matuwid dahil sa pagsunod sa Kautusan. 17 Ngunit kung tayo mismo na nagsisikap na maituring na matuwid dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo ay natagpuang makasalanan, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hindi ganyan! 18 Kung ang mga winasak ko'y muli kong itatayo, pinatutunayan ko sa aking sarili na ako nga'y makasalanan. 19 Namatay na ako sa Kautusan sa pamamagitan na rin ng Kautusan, upang ako'y mabuhay para sa Diyos. 20 Namatay na akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayo'y sa pamamagitan na ng pananampalataya sa Anak[a] ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin. 21 Hindi ko pinawawalang halaga ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y ituturing na matuwid sa pamamagitan ng Kautusan, namatay si Cristo nang walang kabuluhan.

Footnotes

  1. Galacia 2:20 o ng Anak.