Add parallel Print Page Options

Dahil dito, itigil na natin ang pag-uusap sa mga pani­mulang katuruan patungkol kay Cristo. Dapat tayong magpatuloy na lumago sa lalong ganap na mga bagay. Huwag na nating muling ilagay ang saligan ng pagsisisi mula sa mga patay na gawa at pananampalataya sa Diyos. Gayundin naman ang patungkol sa mga pagbabawtismo, pagpapatong ng mga kamay, muling pagkabuhay ng mga patay at kahatulang walang hanggan. Kung ipahihintulot ng Diyos, gagawin namin ito.

Sapagkat minsan ay naliwanagan na ang mga tao. Natikman na nila ang makalangit na kaloob at naging kabahagi na ng Banal na Espiritu. Natikman na nila ang mabuting Salita ng Diyos at ang mga kapangyarihan ng darating na kapanahunan. Kung sila ay tatalikod, hindi na maaring mapanumbalik sila sa pagsisisi. Sapagkat muli nilang ipinako sa krus para sa kanilang sarili ang anak ng Diyos.

Sapagkat ang lupa ay umiinom ng ulang malimit bumuhos dito. Pagkatapos, ito ay nagbibigay ng mga tanim na mapapa­kina­bangan ng mga nagbungkal nito. Ito ay tumatanggap ng pagpapalang mula sa Diyos. Ngunit ang lupang tinutubuan ng mga tinik at mga dawag ay tinatanggihan at nanganganib na sumpain. At ito ay susunugin sa katapusan.

Ngunit mga minamahal, bagaman kami ay nagsasalita ng ganito, nakakatiyak kami ng higit na mabubuting bagay patungkol sa inyo at mga bagay na nauukol sa kaligtasan. 10 Ang Diyos ay makatarungan at hindi niya kalilimutan ang inyong mga gawa at pagpapagal sa pag-ibig na inyong ipinakita sa kaniyang pangalan. Kayo na naglingkod ay patuloy na naglilingkod sa mga banal. 11 Ninanais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding pagsusumikap patungo sa lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang sa wakas. 12 Hindi namin nais na kayo ay maging tamad kundi inyong tularan sila na sa pamamagitan ng pananam­palataya at pagtitiyaga ay magmamana ng ipinangako ng Diyos.

Ang Pangako ng Diyos ay Tiyak

13 Sapagkat nang mangako ang Diyos kay Abraham, sumumpa siya sa kaniyang sarili yamang wala nang sinumang makakahigit pa na kaniyang mapanumpaan.

14 Sinabi niya:

Tiyak na pagpapalain kita at ibibigay sa iyo ang maraming angkan.

15 At sa ganoong mahabang pagtitiis, tinanggap niya ang pangako.

16 Sapagkat sumusumpa ang mga tao sa sinumang nakaka­higit. At ang sumpa ang siyang nagpapatibay sa mga sinabi nila at nagbibigay wakas sa bawat pagtatalo. 17 Gayundin lalong higit na ninais ng Diyos na ipakita nang may kasaganaan ang hindi pagkabago ng kaniyang layunin sa mga tagapagmana ng pangako. Ito ay kaniyang pinagtibay sa pamamagitan ng isang sumpa. 18 Sa pamamagitan ng dalawang bagay na hindi kailanman nagbabago, hindi maaari para sa Diyos ang magsinungaling sa pamamagitan ng dalawang bagay na iyon. Ginawa niya ito upang tayo ay magkaroon ng matibay na kalakasan ng loob, na mga lumapit sa kaniya upang manangan sa pag-asang inilagay niya sa harapan natin. 19 Ito ang ating pag-asa na katulad ng isang angkla ng ating kaluluwa ay matatag at may katiyakan. Ito ay pumapasok doon sa kabilang dako ng tabing. 20 Dito pumasok si Jesus bilang tagapanguna natin para sa ating kapakinabangan, na maging isang pinakapunong-saserdote magpakailanman ayon sa uri ni Melquisedec.

Kaya't tayo'y magpatuloy tungo sa pagiging sakdal at huwag manatili lamang sa mga panimulang aralin tungkol kay Cristo. Huwag nang muling ilagay ang saligan tungkol sa pagtalikod mula sa mga patay na gawa at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, o kaya’y aralin tungkol sa mga bautismo,[a] pagpapatong ng mga kamay, muling pagkabuhay ng mga patay, at walang hanggang kaparusahan. At gagawin natin ito, kung ipahihintulot ng Diyos. Sapagkat ang mga taong dati nang naliwanagan, mga nakalasap ng makalangit na kaloob, at mga naging kabahagi sa Banal na Espiritu, silang nakalasap ng kabutihan ng salita ng Diyos at ng mga kapangyarihan ng panahong darating, kapag tumalikod ay imposible nang panumbalikin sa pagsisisi, sapagkat muli nilang ipinapako sa krus at inilalagay sa kahihiyan ang Anak ng Diyos. Sapagkat tumatanggap ng pagpapala sa Diyos ang lupang umiinom ng ulang madalas na pumapatak dito at tinutubuan ng mga halamang pinakikinabangan ng mga bumungkal. Subalit (A) walang saysay ang lupang tinutubuan ng mga tinik at dawag. Nanganganib itong sumpain at ang wakas nito ay ang tupukin.

Ngunit, mga minamahal, bagaman ganito ang sinasabi namin, naniniwala naman kami na kayo at ang tungkol sa inyong kaligtasan ay nasa mas mabuting kalagayan. 10 Sapagkat makatarungan ang Diyos; hindi niya kalilimutan ang inyong ginawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita sa paglilingkod ninyo sa mga banal alang-alang sa kanyang pangalan. Ito ay patuloy ninyong ginagawa hanggang ngayon. 11 Ninanais namin na bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding sigasig hanggang wakas upang malaman ninyo ang ganap na katiyakan ng pag-asa. 12 Huwag kayong maging tamad, sa halip ay tularan ang mga taong nagmamana ng mga pangako sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis.

Ang Katiyakan ng Pangako ng Diyos

13 Nang mangako ang Diyos kay Abraham, nanumpa ang Diyos sa kanyang sarili dahil wala na siyang panunumpaan na higit pa sa kanya. 14 Sinabi (B) niya, “Tinitiyak ko na lubos kitang pagpapalain at ang iyong lahi ay aking pararamihin.” 15 Kaya't pagkatapos ng matiyagang paghihintay, tinanggap ni Abraham ang ipinangako. 16 Nanunumpa ang mga tao sa harap ng higit na mataas sa kanila, at ang sumpang binitawan bilang katibayan ay nagpapatibay sa bawat usapin. 17 Kaya, noong ninais ng Diyos na ipakita sa mga tagapagmana ng pangako na hindi maaaring mabago ang kanyang layunin, pinagtibay niya ito sa pamamagitan ng isang sumpa. 18 Hindi maaaring magsinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. At dahil sa dalawang bagay na ito na di-mababago, tayong nakatagpo ng kanlungan ay magkaroon ng lakas ng loob na panghawakan ang pag-asang nasa ating harapan. 19 Taglay (C) natin ang pag-asang ito bilang tiyak at matibay na angkla ng ating kaluluwa, isang pag-asa na umaabot sa Kabanal-banalang Dako sa kabila ng tabing ng Templo. 20 Doon (D) ay nauna nang pumasok si Jesus alang-alang sa atin, yamang siya’y naging Kataas-taasang Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquizedek.

Footnotes

  1. Mga Hebreo 6:2 o paghuhugas.