Add parallel Print Page Options

Si Judas, ang alipin ni Jesucristo at kapatid ni Santiago. Sa mga tinawag at pinaging-banal ng Diyos Ama at iniingatan ni Jesucristo.

Ang kahabagan, kapayapaan at pag-ibig ay sumagana sa inyo.

Ang Kasalanan at Ang Wakas ng mga Taong Hindi Sumasamba sa Diyos

Mga minamahal, buong pagsisikap kong ninais na sulatan kayo patungkol sa kaligtasang tinanggap nating lahat. Kailangang sulatan ko kayo at ipagtagubilin sa inyo na inyong ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkatiwala minsan at magpakailanman sa mga banal. Ito ay sapagkat lihim na nakapasok sa inyo ang ilang mga taong hindi maka-Diyos. Noon pang una ay nilagyan na sila ng tanda ng Diyos upang patawan ng kaparusahan. Pinapalitan nila ng kahalayan ang biyaya ng ating Diyos. Ikinakaila nila ang natatanging Panginoong Diyos at ang ating Panginoong Jesucristo.

Ngunit ibig ko pa ring ipaalala sa inyo kahit na nalalaman na ninyo ang mga bagay na ito noon. Iniligtas ng Panginoon ang kaniyang tao mula sa lupain ng Egipto ngunit nilipol niya ang hindi sumampalataya. At ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating kalagayan, kundi iniwan ang kanilang tinatahanan, ay inilaan ng Diyos sa walang hanggang tanikala sa ilalim ng kadiliman para sa dakilang araw ng paghuhukom. Gayundin ang ginawa sa lungsod ng Sodoma at Gomora at sa mga kalapit lungsod nito. Nagpakabuyo sila sa pakikiapid at mahalay na pagnanasa sa ibang laman. Sila ay naging halimbawa nang sila ay pumailalim sa parusa ng apoy na walang hanggan.

Gayundin ang mga taong ito. Sila ay mga taong nananaginip ng masama na dinudungisan ang kanilang laman. Tinatanggihan nila ang mga may kapangyarihan at nilalait nila ang mga maluwalhating nilalang. Nang makipaglaban si arkanghel Miguel sa diyablo, nakipagtalo siya patungkol sa bangkay ni Moises. Sa kaniyang pakikipagtalo ay hindi siya nangahas na magbigay ng mapanglait na paghatol. Sa halip ay sinabi niya: Sawayin ka ng Panginoon. 10 Ngunit nilalait ng mga taong ito ang mga bagay na hindi nila nalalaman. Ngunit ang mga bagay na likas nilang nauunawaan ay ginagamit nila sa kanilang sariling kasiraan, tulad ng mga hayop na walang pag-iisip.

11 Sa aba nila! Ito ay sapagkat sumunod sila sa daan ni Cain. At sa pagnanais nila ng kabayarang salapi, bumulusok sila sa kalikuan ni Balaam. At gaya ni Core sila ay naghimagsik at nalipol.

12 Ang mga taong ito ay mga lubog na bato[a]sa inyong pagsasalu-salo sa hapag ng pag-ibig. Nakikisalo silang kasama ninyo nang walang takot, na ang sarili lamang nila ang kanilang pinangangalagaan. Sila ay parang ulap na walang tubig na dinadala ng mga hangin. Katulad din sila ng punong-kahoy na hindi namumunga kahit kapanahunan na, dalawang ulit nang namatay, binunot mula sa mga ugat. 13 Sila ay katulad ng mga malalaking alon sa dagat. Ang kanilang kahiya-hiyang gawain ay lumalabas gaya ng mga bula ng tubig. Sila ay katulad ng mga bituing naliligaw. Ang pusikit na kadiliman ay nakalaan para sa kanila magpakailanman.

14 Si Enoc na ikapitong saling lahi mula kay Adan ay naghayag ng Salita ng Diyos sa kanila. Sinabi niya: Narito, dumating ang Panginoon na kasama ang kaniyang libu-libong banal. 15 Ito ay upang silang lahat ay kaniyang hatulan at sumbatan ang lahat ng mga hindi maka-diyos na kasama nila. Kasama ang mga gawa na ginawa nila sa hindi maka-diyos na paraan, at ang mga mapanglait na salita na sinabi laban sa kaniya ng mga makasalanan, na mga hindi maka-diyos. 16 Ang mga taong ito ay laging dumadaing at laging umaangal. Lumalakad sila ayon sa kanilang masamang layunin. Sila ay nagsasalita ng mga salitang mapagmalaki at nagsasalita ng pakunwaring papuri sa mga tao upang sila ay makinabang.

Panawagan para Manatiling Matatag

17 Ngunit kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga salita na ipinaliwanag na sa inyo noon pang una ng mga apostol ng ating Panginoong Jesucristo.

18 Sinabi nila sa inyo na sa huling araw ay lilitaw ang mga manlilibak. Sila ay lalakad ayon sa sarili nilang masamang hangarin at ng hindi pagkilala sa Diyos. 19 Ang mga ito ang lumikha ng pagkakabaha-bahagi. Sila ay lumalakad ayon sa kanilang likas na pagkatao at wala sa kanila ang Espiritu.

20 Ngunit kayo, mga minamahal, patatagin ninyo ang inyong sarili sa napakabanal na pananampalatya. Manalangin kayo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 21 Habang naghihintay kayo, panatilihin ninyo ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos. Hintayin ninyo ang habag ng ating Panginoong Jesucristo na patungo sa walang hanggang buhay. 22 Kahabagan ninyo ang mga nag-aalinlangan. 23 Sagipin ninyong may takot ang iba, agawin ninyo sila mula sa apoy. Gayundin, kapootan ninyo kahit ang damit na nadungisan ng laman.

Papuri

24 Ang Diyos ang makapag-iingat sa inyo mula sa pagkakatisod at makapaghaharap sa inyo nang walang kapintasan na may malaking galak sa harapan ng kaniyang kaluwalhatian.

25 Sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sumakaniya ang kapurihan at kadakilaan, ang kapangyarihan at kapamahalaan mula ngayon at magpakailanman. Siya nawa!

Footnotes

  1. Judas 1:12 Batong nakahalo sa pagkaing nakahain.

Pagbati

Mula (A) kay Judas, lingkod[a] ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago. Para sa mga tinawag, iniibig ng Diyos Ama at iniingatan para kay Jesu-Cristo:[b] Nawa'y saganang sumainyo ang habag, kapayapaan, at pag-ibig.

Ang Hatol sa mga Huwad na Tagapagturo

Mga minamahal, nais ko sanang isulat sa inyo ang tungkol sa iisang kaligtasang tinanggap nating lahat, ngunit natagpuan kong kailangang isulat sa inyo ang panawagan na ipaglaban ang pananampalatayang minsanan at magpakailanman na ipinagkatiwala sa mga banal. Sapagkat lihim na nakapasok sa inyong samahan ang ilang taong ayaw kumilala sa Diyos. Binabaluktot nila ang aral ukol sa kagandahang-loob ng Diyos at kinakasangkapan ito upang pagbigyan ang kanilang kahalayan. Ayaw rin nilang kilalanin si Jesu-Cristo, ang ating kaisa-isang Pinuno at Panginoon. Noon pa mang una'y nakasulat na ang parusa sa kanila.

Kahit (B) alam na ninyo ang lahat ng ito, nais ko pa ring ipaalala na matapos iligtas ng Panginoon ang isang bayan mula sa lupain ng Ehipto, pinuksa niya ang mga hindi sumampalataya. Alalahanin din ninyo ang mga anghel na hindi nag-ingat sa kanilang makapangyarihang katungkulan at sa halip ay iniwan nila ang kanilang tahanan. Kaya't ginapos sila ng di-mapapatid na tanikala at ikinulong sa malalim na kadiliman. Mananatili sila doon hanggang hatulan sila sa dakilang Araw ng Panginoon. Ganoon din (C) ang sinapit ng Sodoma at Gomorra at ng mga karatig-lungsod. Nalulong din sila sa imoralidad at nahumaling sa kakaibang uri ng pakikipagtalik. Sila'y naging halimbawa nang sila'y parusahan sa apoy na walang hanggan.

Sa gayunding paraan, ang mga mapanaginiping taong ito ay dumudungis sa kanilang katawan, hindi kumikilala sa mga maykapangyarihan at lumalait sa mga maluwalhating nilalang. Kahit (D) si Miguel na arkanghel ay hindi humatol nang may paglapastangan. Nang makipaglaban siya sa diyablo at nakipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, ang tanging sinabi niya'y “Sawayin ka ng Panginoon!” 10 Ngunit ang mga taong ito ay lumalapastangan sa anumang hindi nila nauunawaan. Para silang mga hayop na walang pag-iisip na napapahamak dahil sumusunod lamang sila sa kanilang mga nararamdaman. 11 Kaysaklap ng sasapitin nila! (E) Sapagkat tinahak nila ang daan ni Cain. Isinuko ang sarili sa pagkakamali ni Balaam dahil sa pagkakakitaan; at tulad ni Kora ay napahamak dahil sa paghihimagsik. 12 Ang mga taong ito'y kasiraan sa inyong mga piging ng pagmamahalan. Hindi sila nahihiyang nakikisalo sa inyo at sarili lamang ang pinakakain. Tulad sila ng mga ulap na walang dalang tubig at tinatangay lamang ng hangin. Kagaya sila ng mga punongkahoy sa pagtatapos ng taglagas, hindi na aasahang magbunga dahil binunot na at patay na. 13 Tulad nila'y mga alon sa dagat, itinataas nilang gaya ng bula ang kanilang nakahihiyang mga gawa; tulad nila'y mga talang ligaw na nakalaan na sa malalim na kadiliman magpakailanman.

14 Tungkol (F) din sa mga taong ito ang ipinahayag ni Enoc, ang ikapitong salinlahi mula kay Adan. Sabi niya, “Tingnan ninyo! Dumarating ang Panginoon kasama ang kanyang libu-libong mga anghel, 15 upang hatulan ang lahat, at parusahan ang lahat ng hindi maka-Diyos dahil sa kanilang masasamang gawa, at sa lahat ng paglapastangan sa kanya ng mga makasalanan.” 16 Ang mga taong ito ay mareklamo at mahilig mamintas. Sinusunod nila ang kanilang pagnanasa, at mayayabang magsalita at sanay pumuri nang pakunwari makuha lang ang sariling kagustuhan.

Mga Babala at mga Paalala

17 Ngunit kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga babalang ibinigay noon ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 18 Sinabi (G) nila sa inyo, “Sa huling panahon ay darating ang mga manlilibak na namumuhay sa sarili nilang makamundong pagnanasa.” 19 Ang mga ito ang lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong makamundo, at walang Espiritu ng Diyos. 20 Ngunit kayo, mga minamahal, patatagin ninyo ang inyong sarili sa pinakabanal na pananampalataya. Manalangin sa tulong ng Banal na Espiritu. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos; asahan ninyo ang habag ng ating Panginoong Jesu-Cristo na naghahatid sa buhay na walang hanggan. 22 Kahabagan ninyo ang mga nag-aalinlangan. 23 Agawin ninyo ang mga nasa apoy upang masagip sila. Mahabag kayo sa iba na taglay ang takot; kamuhian ninyo pati ang mga damit nilang nabahiran ng kahalayan.

Basbas

24 Sa kanya na may kapangyarihang mag-ingat sa inyo upang hindi kayo mapahamak at may kapangyarihang magharap sa inyo nang walang kapintasan at may lubos na kagalakan sa harap ng kanyang kaluwalhatian, 25 sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristong ating Panginoon, sa kanya ang kaluwalhatian, karangalan, kapangyarihan at kapamahalaan, bago pa nagsimula ang panahon, ngayon, at kailanman. Amen.

Footnotes

  1. Judas 1:1 o alipin.
  2. Judas 1:1 o ni Jesu-Cristo.