Add parallel Print Page Options

Nagbalak Sila ng Masama laban kay Jesus

26 Nangyari, nang matapos nang ituro ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito, nagsalita siya sa kaniyang mga alagad.

Sinabi niya: Alam ninyo na pagkatapos ng dalawang araw ay magaganap na ang Paglagpas. May isang magkakanulo sa akin na Anak ng Tao upang ako ay ipapako sa krus.

Nagtipun-tipon nga ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan at mga matanda sa mga tao sa bulwagan ng pinakapunong-saserdote na ang pangalan ay Caifas. Sila ay sumangguni sa isa’t isa upang si Jesus ay kanilang mahuli, malinlang at kanilang patayin. Ngunit sinabi nila: Huwag sa araw ng paggunita na dumarating upang hindi magkagulo ang mga tao.

Binuhusan ng Pabango ng Makasalanang Babae si Jesus

Sa oras na iyon, si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin.

May isang babaeng lumapit sa kaniya. Siya ay may dalang garapong alabastro na may mamahalin at napaka­bangong pamahid.Ibinuhos niya ito sa ulo ni Jesus habang siya ay nakadulog sa hapag.

Nang makita ito ng mga alagad, sila ay lubhang nagalit. Sinabi nila: Para ano at sinayang ito? Ang pamahid na ito ay maaaring ipagbili sa malaking halaga at ipamigay sa mga dukha.

10 Ngunit nalalaman ito ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo ginagambala ang babae? Siya ay gumawa ng mabuti sa akin. 11 Ito ay sapagkat lagi ninyong kasama ang mga dukha ngunit ako ay hindi ninyo laging kasama. 12 Ginawa ng babaeng ito ang pagbuhos ng mabangong pamahid sa aking katawan para sa aking paglilibing. 13 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Saan man ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaeng ito ay isasalaysay din bilang pag-alaala sa kaniya.

Nakipagkasundo si Judas upang Ipagkanulo si Jesus

14 Nang magkagayon isa sa labindalawang alagad, na tinatawag na Judas na taga-Keriot, ay pumunta sa mga pinunong-saserdote.

15 Sinabi niya: Ano ang ibibigay ninyo sa akin kapag maibigay ko si Jesus sa inyo? Itinakda nila sa kaniya ang tatlumpung pirasong pilak. 16 Mula sa oras na iyon, siya ay naghanap ng pagkakataon upang maipagkanulo niya si Jesus.

Ang Huling Hapunan

17 Sa unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, pumunta kay Jesus ang mga alagad. Sinabi nila sa kaniya: Saan mo ibig na kami ay maghanda para sa iyo upang makakain ng hapunan ng Paglagpas?

18 Sinabi niya: Pumunta kayo sa isang lalaki na nasa lungsod. Sabihin ninyo sa kaniya: Sinabi ng guro: Ang aking oras ay malapit na. Gaganapin ko ang Paglagpas sa iyong bahay kasama ang aking mga alagad. 19 Ginawa ng mga alagad ang ayon sa iniutos sa kanila ni Jesus. Sila ay naghanda para sa Paglagpas.

20 Nang gumabi na, dumulog si Jesus sa hapag kasama ng labindalawa. 21 Habang sila ay kumakain, sinabi niya sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.

22 Ang bawat isa sa kanila ay labis na namighati. Nagsimula silang magsabi sa kaniya: Ako ba, Panginoon?

23 Ngunit sumagot siya: Ang kasama kong nagsawsaw ng kamay sa mangkok, siya ang magkakanulo sa akin. 24 Ang Anak ng Tao ay hahayo ayon sa isinulat patungkol sa kaniya. Ngunit sa aba ng taong iyon na magkakanulo sa Anak ng Tao. Mabuti pa sa taong iyon kung hindi na siya naipanganak.

25 Sumagot si Judas, ang magkakanulo kay Jesus: Ako ba, guro?

Sinabi niya sa kaniya: Tama ang iyong sinabi.

26 Habang sila ay kumakain, kinuha ni Jesus ang tinapay. Pinagpala niya ito, pinagputul-putol at ibinigay sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ang aking katawan.

27 Kinuha niya ang saro at nang makapagpasalamat, ibinigay niya ito sa kanila. Sinabi niya: Uminom kayong lahat. 28 Ito ay ang aking dugo ng bagong tipan. Nabuhos ito para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng marami. 29 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas hanggang sa maipanumbalik ko ang aking pag-inom nito sa paghahari ng aking Ama.

30 Pagkaawit ng isang himno, sila ay umalis patungo sa bundok ng mga Olibo.

Ipinagpauna ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro

31 Nang magkagayon, sinabi ni Jesus sa kanila: Kayong lahat ay matitisod dahil sa akin sa gabing ito sapagkat nasusulat:

Sasaktan ko ang pastol at mangangalat sa ibang dako ang mga tupa ng kawan.

32 Ngunit pagkatapos na ako ay ibinangon, mauuna ako sa inyo sa Galilea.

33 Sumagot si Pedro sa kaniya:Kung ang lahat ay matitisod dahil sa iyo, ako ay hindi matitisod.

34 Sinabi ni Jesus sa kaniya:Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na sa gabing iyon, bago tumilaok ang tandang ay tatlong ulit mo akong ipagkakaila.

35 Sinabi ni Pedro sa kaniya:Kung kinakailangang ako ay mamatay na kasama mo, kailanman ay hindi kita ipagkakaila. Gayundin ang sinabi ng lahat ng mga alagad.

Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo

36 Nang magkagayon pumunta si Jesus sa isang dako na tinatawag na Getsemane kasama ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Maupo kayo rito, pupunta ako sa dako roon upang manalangin.

37 Isinama niya sina Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Siya ay nagsimulang nalumbay at lubos na nabagabag. 38 Sinabi niya sa kanila: Lubhang namimighati ang aking kaluluwa maging sa kamatayan. Manatili kayo rito at magbantay na kasama ko.

39 Pumunta siya sa di kalayuan at nagpatirapa siya at nanalangin. Sinabi niya: Aking Ama, kung maaari, lumampas nawa sa akin ang sarong ito. Gayunman, hindi ang aking kalooban kundi ang sa iyo.

40 Pumunta siya sa mga alagad at nasumpungan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro: Hindi ba ninyo kayang magbantay ng isang oras na kasama ko? 41 Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong mapasok sa tukso. Ang espiritu nga ay nagnanais ngunit ang katawan ay mahina.

42 Sa pangalawang pagkakataon, muli siyang umalis upang manalangin. Sinabi niya: Ama, kung ang sarong ito ay hindi makakalampas malibang ito ay aking inumin, mangyari ang kalooban mo.

43 Pagbalik niya, nasumpungan niya silang muling natutulog sapagkat lubha na silang inantok. 44 Iniwan niya silang muli at nanalangin sa ikatlong pagkakataon. Sinabi niyang muli ang gayong panalangin.

45 Pagkatapos ay pumunta siya sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila: Matulog na kayo at magpahinga. Narito, malapit na ang oras at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo na sa mga makasalanan. 46 Bumangon kayo at lalakad na tayo. Narito, siya na magkakanulo sa akin ay malapit na.

Dinakip nila si Jesus

47 Habang siya ay nagsasalita pa, narito, si Judas na isa sa labindalawa ay dumating. Kasama niya ang napakaraming tao na may mga tabak at mga pamalo. Sila ay mula sa mga pinunong-saserdote at mga matanda sa mga tao.

48 Siya na magkakanulo ay nagbigay sa kanila ng isang tanda. Sinabi niya: Ang sinumang halikan ko, siya iyon. Dakpin ninyo siya. 49 Kaagad, siya ay lumapit kay Jesus.Sinabi niya: Bumabati, Guro! Pagkatapos ay hinalikan niya si Jesus.

50 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Kaibigan, anong dahilan ng pagparito mo?

Lumapit sila sa kaniya, hinawakan ang kaniyang mga kamay at siya ay dinakip.

51 At narito, isa sa mga kasama ni Jesus ay bumunot ng kaniyang tabak. Inundayan niya ng taga ang alipin ng pinakapunong-saserdote at natanggal ang tainga nito.

52 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan nito: Ito ay sapagkat ang sinumang gumagamit ng tabak ay sa tabak din mamamatay. 53 Ipinapalagay mo bang hindi ako makakapamanhik kaagad sa aking Ama? Pagkaka­looban niya ako ng higit pa sa labindalawang hukbo ng mga anghel. 54 Paano nga matutupad ang mga kasulatan na dapat mangyari nang ganito?

55 Sa oras na iyon, sinabi ni Jesus sa napakaraming tao:Pumarito ba kayong may mga tabak at mga pamalo na parang makikipaglaban sa isang tulisan? Araw-araw akong nakaupong kasama ninyo sa templo at hindi ninyo ako dinakip. 56 Ngunit ang lahat ng ito ay nangyari upang matupad ang mga sulat ng mga propeta.Nang magkagayon, iniwan siya ng mga alagad at sila ay tumakas.

Si Jesus sa Harap ng mga Sanhedrin

57 Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kaniya kay Caifas, ang pinakapunong-saserdote. Doon ay nagkakatipon ang mga guro ng kautusan at ang mga matanda.

58 Ngunit si Pedro ay sumunod sa kaniya nang hindi kalayuan hanggang sa patyo ng pinakapunong-saserdote. Siya ay pumasok sa loob at naupong kasama ng mga tanod sa templo upang makita kung ano ang magaganap.

59 Ang mga pinunong-saserdote at ang mga matanda at ang buong Sanhedrin ay naghanap ng mga huwad na patotoo laban kay Jesus. Ito ay upang maipapatay nila si Jesus. 60 Ngunit sila ay walang makitang sinuman bagamat maraming mga huwad na saksi ang nagkusa.

61 Subalit sa wakas, lumapit ang dalawang huwad na saksina sinasabi: Sinabi ng lalaking ito: Kaya kong wasakin ang banal na dako ng Diyos at sa loob ng tatlong araw ay itatayo ko itong muli.

62 Tumayo ang pinakapunong-saserdote at sinabi sa kaniya:Wala ka bang isasagot? Ano itong ipinaparatang ng mga saksing ito laban sa iyo? 63 Ngunit si Jesus ay nanahimik.

Sinabi ng pinakapunong-saserdote sa kaniya: Inuutusan kita sa pamamagitan ng buhay na Diyos. Sabihin mo sa amin kung ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos?

64 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang iyong sinabi. Gayunman, sinasabi ko sa iyo: Mula ngayon ay makikita mo ang Anak ng Tao na nakaupo, siya ay makikita mo sa kanang kamay ng Makapangyarihan at dumarating sa mga ulap ng langit.

Nilibak ng mga Kawal si Jesus

65 Pinunit ng pinakapunong-saserdote ang kaniyang damit.Sinabi niya: Siya ay namusong. Bakit kailangan pa natin ang mga saksi? Narito, narinig ninyo ang kaniyang pamumusong.

66 Ano ang palagay ninyo?

Sumagot sila: Siya ay nararapat na mamatay!

67 Dinuraan nila ang mukha ni Jesus at siya ay pinag­susuntok. Pinagsasampal siya ng iba. 68 Kanilang sinabi: Ihayag mo, Mesiyas! Sino ang sumampal sa iyo?

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus

69 Sa oras ding iyon ay nakaupo si Pedro sa labas. Lumapit sa kaniya ang isang utusang babae. Sinabi niya: Kasama ka ni Jesus na taga-Galilea.

70 Ngunit ipinagkaila niya sa lahat. Sinabi niya: Hindi ko alam ang sinasabi mo.

71 Pumunta siya sa may tarangkahan at nakita siya ng isa pang utusang babae. Sinabi niya sa mga naroroon: Ang lalaking ito ay kasama ni Jesus na taga-Nazaret.

72 Muli siyang nagkaila na may panunumpa. Kaniyang sinabi:Hindi ko kilala ang lalaking iyon.

73 Pagkaraan ng ilang sandali, lumapit sa kaniya yaong mga nakatayo roon. Sinabi nila kay Pedro: Totoong ikaw ay isa sa kanila sapagkat nahahayag ito nang malinaw sa iyong pananalita.

74 Nagsimula siyang manungayaw at manumpa. Sinabi niya:Hindi ko kilala ang lalaking iyon.

Pagdaka ay tumilaok ang isang tandang.

75 Naalaala ni Pedro ang salita ni Jesus na sinabi sa kaniya: Bago tumilaok ang tandang, tatlong ulit mo akong ipagkakaila. At siya ay umalis at tumangis nang may kapaitan.

Ang Balak Laban kay Jesus(A)

26 Matapos isalaysay ni Jesus ang lahat ng ito ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Gaya ng inyong nalalaman,(B) dalawang araw pa at sasapit na ang Paskuwa, at ipagkakanulo ang Anak ng Tao upang ipako sa krus.” Pagkatapos nito, ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ng bayan ay nagpulong sa palasyo ng Kataas-taasang Pari, na nagngangalang Caifas. At nagsabwatan silang palihim na dakpin at patayin si Jesus. Subalit kanilang sinabi, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga taong-bayan.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(C)

Samantalang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin, lumapit (D) sa kanya ang isang babaing may dalang isang lalagyang alabastro na may lamang mamahaling pabango. Ibinuhos niya ito sa ulo ni Jesus, habang ito'y nakahilig sa may hapag. Ganoon na lamang ang pagkagalit ng mga alagad nang ito'y kanilang makita. Itinanong nila, “Para sa ano ang pag-aaksayang ito? Sapagkat maipagbibili sana ang pabangong ito sa malaking halaga, at maipamimigay sa mga dukha.” 10 Subalit alam ni Jesus ang kanilang pinag-uusapan, kaya't sinabi niya sa kanila, “Bakit ginagambala ninyo ang babae? Isang magandang bagay ang ginawa niya sa akin. 11 Palagi (E) ninyong makakasama ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo palaging makakasama. 12 Sapagkat sa pagbubuhos niya ng pabangong ito sa aking katawan ay inihahanda na niya ako sa paglilibing. 13 Tinitiyak ko sa inyo, saan man ipahayag ang Magandang Balitang ito sa buong sanlibutan, ang kanyang ginawa ay babanggitin din bilang pag-alaala sa kanya.”

Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(F)

14 Pagkatapos nito, isa sa labindalawa na nagngangalang Judas Iscariote ang pumunta sa mga punong pari, 15 at (G) nagtanong, “Ano'ng ibibigay ninyo sa akin, kung ibibigay ko siya sa inyo?” At siya'y binayaran nila ng tatlumpung pirasong pilak. 16 Mula noon ay humanap siya ng pagkakataon na maipagkanulo si Jesus.[a]

Ang Hapunang Pampaskuwa ni Jesus at ng Kanyang mga Alagad(H)

17 Nang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad kay Jesus, at nagtanong, “Saan po ninyo nais na kami'y maghanda upang makakain kayo ng kordero ng Paskuwa?” 18 Sinabi niya, “Puntahan ninyo ang isang tao sa lungsod at sabihin ninyo sa kanya, ‘Sinabi ng Guro: Malapit na ang oras ko. Sa iyong bahay ay gaganapin ko ang Paskuwa kasama ng aking mga alagad.’ ” 19 Ginawa nga ng mga alagad ang ipinagbilin sa kanila ni Jesus, at naghanda sila para sa Paskuwa. 20 Kinagabihan ay umupo siyang kasalo ng labindalawa. 21 Habang sila'y kumakain ay sinabi niya, “Tinitiyak ko sa inyo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” 22 Labis nila itong ikinalungkot, at isa-isa silang nagsabi sa kanya, “Tiyak na hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?” 23 Sumagot (I) siya ng ganito, “Ang kasabay kong nagsawsaw ng kanyang kamay sa mangkok ang magkakanulo sa akin. 24 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nakasulat tungkol sa kanya, subalit kaysaklap ng sasapitin ng taong iyon na sa pamamagitan niya'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sanang hindi na ipinanganak ang taong iyon.” 25 At si Judas na magkakanulo sa kanya ay sumagot at nagtanong, “Tiyak na hindi ako iyon, di po ba, Rabbi?” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsabi niyan.”

Ang Huling Hapunan(J)

26 Habang sila'y kumakain, si Jesus ay kumuha ng tinapay, ipinagpasalamat niya ito at pinagputul-putol, at ibinigay sa mga alagad. Sinabi niya, “Kumuha kayo, kainin ninyo. Ito ang aking katawan.” 27 At kumuha siya ng kopa at matapos magpasalamat ay ibinigay sa kanila, at sinabi, “Uminom kayo nito, lahat kayo, 28 sapagkat (K) ito ang aking dugo ng tipan,[b] na ibinubuhos alang-alang sa marami, para sa kapatawaran ng mga kasalanan. 29 Sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa araw na iyon na iinumin kong panibago na kasama kayo sa kaharian ng aking Ama.” 30 Pagkatapos nilang umawit ng imno ay nagtungo sila sa Bundok ng mga Olibo.

Sinabi ang Pagtatatwa ni Pedro(L)

31 Pagkatapos (M) ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Tatalikuran ninyo akong lahat sa gabing ito. Sapagkat nakasulat, ‘Hahampasin ko ang pastol, at magtatakbuhan ang mga tupa ng kawan.’ 32 Ngunit (N) matapos na ako'y maibangon na, mauuna ako sa inyo sa pagpunta sa Galilea.” 33 Sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Talikuran man kayo ng lahat, hinding-hindi ko kayo tatalikuran.” 34 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tinitiyak ko sa iyo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok ay tatlong ulit mo na akong naipagkakaila.” 35 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Kahit na kailangan pang mamatay akong kasama mo, ay hindi kita ipagkakaila.” Ganoon din ang sinabi ng iba pang mga alagad.

Nanalangin si Jesus sa Getsemani(O)

36 Pagkatapos ay pumunta si Jesus na kasama ang mga alagad sa isang pook na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa kanila, “Maupo kayo rito. Pupunta muna ako sa banda roon at mananalangin.” 37 Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Noon ay nagsimula siyang malungkot at mabagabag. 38 At sinabi niya sa kanila, “Punung-puno ng kalungkutan ang aking kaluluwa na halos ikamatay ko. Dito muna kayo at makipagpuyat sa akin.” 39 Lumakad pa siya sa di-kalayuan, at doon ay nagpatirapa at nanalangin, na sinasabi, “Aking Ama, kung maaari, lumampas sa akin ang kopang ito. Gayunma'y hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban mo ang masunod.” 40 Bumalik siya sa mga alagad, at nadatnan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Hindi ba ninyo kayang makipagpuyat sa akin kahit isang oras lamang? 41 Magbantay kayo at manalangin, upang hindi kayo malagay sa tukso. Tunay na ang espiritu ay nagnanais ngunit ang laman ay mahina.” 42 Sa ikalawang pagkakataon ay muli siyang umalis at nanalangin ng ganito, “Aking Ama, kung hindi maaaring lumampas ang kopang ito, malibang ito'y aking inuman, masunod nawa ang iyong kalooban.” 43 Bumalik na naman siya at naratnan silang natutulog, sapagkat mabigat na ang mga mata nila sa antok. 44 Kaya't muli niya silang iniwan; umalis siya, at nanalangin sa ikatlong pagkakataon na gayunding mga salita ang binibigkas. 45 Nilapitan niyang muli ang mga alagad at sinabi sa kanila, “Hanggang ngayon ay natutulog pa rin kayo at nagpapahinga? Tingnan ninyo, malapit na ang oras, at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. 46 Bangon na! Umalis na tayo. Tingnan ninyo, dumarating na ang nagkakanulo sa akin.”

Dinakip si Jesus(P)

47 Habang nagsasalita pa siya ay dumating si Judas, na isa sa labindalawa. Kasama niya ang napakaraming taong may mga tabak at mga pamalo; mula sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno ng bayan. 48 Nagbigay sa kanila ng palatandaan ang nagkakanulo sa kanya. Sinabi niya, “Ang halikan ko ay siya na nga. Dakpin ninyo siya.” 49 Nilapitan niya agad si Jesus, at sinabi, “Magandang gabi po,[c] Rabbi.” At kanyang hinagkan ito. 50 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo ang sadya mo rito.” Pagkatapos ay lumapit sila at hinawakan si Jesus at siya'y kanilang dinakip. 51 Ngunit ang isa sa mga kasamahan ni Jesus ay biglang bumunot ng tabak at tinaga ang alipin ng Kataas-taasang Pari at natagpas ang tainga nito. 52 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ibalik mo sa kaluban ang iyong tabak, sapagkat ang lahat ng gumagamit ng tabak ay sa tabak mamamatay. 53 Sa palagay mo ba'y hindi ako maaaring humingi sa aking Ama, at ngayon din ay padadalhan niya ako ng higit pa sa labindalawang batalyon[d] ng mga anghel? 54 Subalit kung magkakagayon ay paano magaganap ang isinasaad ng mga kasulatan, na ganito ang kailangang mangyari?” 55 Sa (Q) sandaling iyon ay sinabi ni Jesus sa maraming taong naroon, “Isa bang tulisan ang inyong pinuntahan at may mga dala pa kayong tabak at mga pamalo upang ako'y hulihin? Araw-araw akong nakaupo at nagtuturo sa templo ngunit hindi ninyo ako dinarakip. 56 Subalit nagaganap ang lahat ng ito upang matupad ang mga kasulatan ng mga propeta.” Sa sandaling iyon ay iniwan siya ng lahat ng mga alagad at sila'y nagsitakas.

Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(R)

57 Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya kay Caifas, ang Kataas-taasang Pari, sa pinagpupulungan ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng matatandang pinuno. 58 Ngunit sinundan siya ni Pedro sa may kalayuan, hanggang sa bakuran ng Kataas-taasang Pari. Pumasok siya at umupong kasama ng mga tanod upang tingnan kung ano ang kahihinatnan ng lahat. 59 Naghanap ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin ng huwad na katibayan laban kay Jesus upang siya'y kanilang maipapatay. 60 Subalit wala silang natagpuan bagama't maraming mga sinungaling na saksi ang nagdatingan. Sa bandang huli ay may dalawang humarap, 61 at (S)sinabi nila, “Sinabi ng taong ito na kaya niyang gibain ang templo ng Diyos, at muling itayo sa loob ng tatlong araw.” 62 Tumindig ang Kataas-taasang Pari at sinabi sa kanya, “Hindi ka ba man lamang sasagot? Ano ba itong ipinaparatang ng mga ito laban sa iyo?” 63 Subalit hindi nagsalita si Jesus. Sinabi ng Kataas-taasang Pari sa kanya, “Manumpa ka sa harapan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.” 64 Sinabi (T) ni Jesus sa kanya, “Kayo na ang nagsabi niyan, ngunit sinasabi ko sa inyo, pagkatapos nito ay makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at dumarating na nasa ibabaw ng mga ulap ng himpapawid.” 65 Dahil (U) dito'y pinunit ng Kataas-taasang Pari ang kanyang mga damit, at sinabi, “Paglapastangan ang sinasabi niya. Ano pang patotoo ang kailangan natin? Ayan, narinig na ninyo ang kanyang paglapastangan. 66 Ano'ng masasabi ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay.” 67 Pagkatapos (V) ay kanilang dinuraan siya sa mukha at pinagsusuntok. Sinampal din siya ng iba, 68 sabay ang pagsasabi, “Di ba't isa kang propeta, ikaw na Cristo! Sino ang sumuntok sa iyo?”

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(W)

69 Noon ay nakaupo si Pedro sa labas ng bakuran nang lapitan siya ng isang aliping babae, na nagsabi, “Kasama ka rin niyang si Jesus na taga-Galilea.” 70 Ngunit itinanggi niya ito sa harap nilang lahat. Sabi niya, “Wala akong alam sa sinasabi mo.” 71 Paglabas niya sa tarangkahan ay nakita siya ng isa pang alipin na nagsabi sa ibang naroon, “Ang taong ito ay kasamahan din ni Jesus na taga-Nazareth.” 72 At muli niyang itinanggi ito na may kasama pang panunumpa, “Talagang hindi ko kilala ang taong iyon.” 73 Pagkaraan pa ng ilang sandali ay lumapit ang mga nakatayo roon at sinabi nila kay Pedro, “Sigurado kaming ikaw ay isa rin sa kanila. Halatang-halata naman sa iyong pananalita.” 74 Kaya't nagsimula siyang magsalita ng masama at sumumpang, “Hindi ko kilala ang taong iyon.” At kaagad tumilaok ang manok. 75 Noon ay naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok ay tatlong ulit mo na akong naipagkakaila.” At siya'y lumabas at buong kapaitang umiyak.

Footnotes

  1. Mateo 26:16 Sa Griyego, siya.
  2. Mateo 26:28 Sa ibang mga manuskrito ay dugo ng bagong tipan.
  3. Mateo 26:49 Sa Griyego, masayang pagbati.
  4. Mateo 26:53 BATALYON: Sa hukbong Romano ay lehiyon na binubuo ng 3,000 hanggang 6,000 kawal.